Habilin ni Itay
‘Wag kang iiyak, anak,
kung alon man sa dagat ikaw’y itulak,
tandaan mong walang luhang dapat dumanak,
maging matatag ka’t ‘wag kang babagsak.
‘Wag kang iiyak, anak,
tangayin ka man ng hanging habagat,
at dalhin ka sa mundo ng paghihirap,
magpumiglas ka’t abutin ang pangarap.
‘Wag kang iiyak, anak,
pilitin ka mang igupo ng kalungkutan,
puso mo man ay maiwanang sugatan,
lumaban ka’t ‘wag mag-aalinlangan.
‘Wag kang iiyak, anak,
hangganan ng buhay mo man ay iyo nang matanaw,
at katawan mo man ay malapit nang pumanaw,
damdamin ng kalul’wa mo’y ‘di titigil sa pagsigaw.
Lumuha ka oh anak ko,
pumanaghoy ka’t ilabas ang simbuyo,
pagkat luha man ay dakila din,
magpaagos ka’t nawa’y maanod ka sa akin.
-gerald™
21 November 2006
About this entry
You’re currently reading “Habilin ni Itay,” an entry on …iyo kailan pa man
- Published:
- 21 November, 2006 / 6:57 pm
- Category:
- ...sa aking pagsulat, 2006
- Tags:
- ...sa aking pagsulat
1 Comment
Jump to comment form | comments rss [?] | trackback uri [?]