Dakilang Pamana

Umihip ang hangin mula sa kanluran
Ngunit ikaw’y ‘di natangay mula sa ‘king kanlungan
Iningatan kang lubos laban sa mga dayuhan
Wag ka lang mawala sa puso ko’t isipan

Minahal kita ng higit sa aking buhay
Akin kang ‘pinamana’t sa anak ko’y sinalaysay
Upang maingatan ka, maprotektahang mahusay
Kaluluwa ko’y manahimik, kung ako man ay mamatay

Ngunit tila yata bigo ang aking layunin
Na minsan pa’y mamalagi ka sa akin
Pagkat muling umihip kanluraning hangin
Kasabwat ang anak ko upang ikaw’y limutin

Datapwat hindi pa wasak ang aking pag-asa
Na may mga katulad kong mamahalin ka
Ikaw na WIKA kong ibinigay ni bathala
Hindi magmamaliw sa damdamin ko’t gunita

Hiling ko sa langit wag ka sa akin kukunin
Hanggang ang anak ko’y hagkan ka at yakapin
Ikaw ang WIKA ko, ang WIKA namin
Maging ang kaapu-apuhan ko’y ikaw ang sasalitain.

-gerald
21 October 2006

~~~~~~~~~~~~~~~
for LUNDAYAN (official student publication of the Pamantasan ng Lungsod ng Pasig)


About this entry